
Cauayan City – Tuluyang ibinasura ng Provincial Prosecutorβs Office ng Nueva Vizcaya ang lahat ng kasong kriminal na isinampa ng Philippine National Police (PNP) laban sa pitong miyembro ng isang anti-mining group na naaresto kaugnay ng isang kilos-protesta sa Dupax del Norte.
Sa desisyong inilabas kahapon, Enero 26, pinawalang-bisa ng piskalya ang tig-tatlong kasong Direct Assault, Resistance and Disobedience to an Agent of a Person in Authority, at Obstruction laban sa anim na kababaihan at sa kanilang lider na si Florentino Daynos.
Ang mga akusado ay hinuli noong Enero 23 matapos umanong humarang sa pagpapatupad ng writ of preliminary injunction sa Sitio Keon, Barangay Bitnong, Dupax del Norte.
Ayon sa PNP, isinagawa ang pag-aresto matapos umanong magsagawa ang grupo ng βhuman barricadeβ upang pigilan ang pagdaan ng isang mining company patungo sa kanilang exploration site.
Gayunman, sa consolidated resolution ni Prosecutor II Atty. Orville Ibarra, binigyang-diin ang kakulangan ng malinaw at sapat na ebidensiya upang patunayan ang mga paratang.
Ayon sa resolusyon, hindi rin malinaw kung saan eksaktong ipinatupad ang writ, kung ito ba ay sa isang barangay road o sa lupain ng mga nagpoprotesta at kanilang mga tagasuporta.
Bilang resulta, iniutos ng prosekusyon ang agarang pagpapalaya sa lahat ng akusado.
Nagpahayag naman ng kagalakan si Daynos sa naging pasya, na tinawag niyang patunay ng patas na hustisya.
Ayon sa kanya, ang desisyon ay isang malaking tagumpay hindi lamang para sa kanilang grupo kundi para sa lahat ng environmental defenders na patuloy na naninindigan para sa karapatan sa lupa at sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Source and Photo Courtesy: DWRV
———————–
β
βPara sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
β
β#985ifmcauayan
β#idol
β#numberone
β#ifmnewscauayan










