
Cauayan City – Tinututukan ngayon ng City of Ilagan College (CIC) sa pangunguna ni City Mayor Jay Diaz ang pagbibigay ng mga kursong medical at allied programs na may kasamang libreng full scholarship para sa mga mag-aaral, lalo na mula sa mga kapos-palad na pamilya.
Layunin ng CIC na mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante mula sa Isabela at mga karatig-probinsya na makapagtapos ng kursong medikal nang hindi na pinoproblema ang pera.
Kabilang sa mga programang iaalok ang Nursing, Psychology, Medical Technology, Radiologic Technology, at Information Technology, na inaasahang madaragdagan pa sa hinaharap.
Ayon sa Technical Working Group, nakahanda na ang mga mekanismo upang matiyak ang mataas na kalidad ng edukasyon sa kolehiyo, kabilang ang mga kurso sa umiiral na industry standards at sa pangangailangan ng komunidad.
Samantala, sinabi ni Dr. Herald A. Balloga, Consultant ng City of Ilagan College, na pangunahing layunin ng institusyon ang maghatid ng dekalidad na edukasyon habang inaalis ang pasaning pinansyal ng mga magulang.
Sa ilalim ng full scholarship program, pag-aaral na lamang at pagtatapos ng kurso ang tututukan ng mga benepisyaryong estudyante.
Ito ang kauna-unahang LGU-owned college sa Rehiyon 2 na nakatuon sa pagbibigay ng mga kursong medikal at allied programs upang hindi na kailangang lumayo pa nang mga estudyante mula sa kanilang pamilya at probinsya.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










