
Cauayan City – Mahigit 200 katao ang nasawi sa pagguho ng isang minahan sa bayan ng Rubaya sa Congo, ayon sa mga awtoridad.
Ayon kay Lumumba Kambere Muyisa, tagapagsalita ng rebel governor ng North Kivu, bumigay ang minahan noong Miyerkules dahil sa malalakas na ulan.
Kabilang sa mga biktima ang kababaihan, mga bata, at artisanal miners o mga minero na hindi opisyal na empleyado ng mga mining company. Tinatayang 20 katao ang nakaligtas at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Ayon sa dating supervisor ng minahan, hindi maayos ang maintenance ng lugar at marupok ang lupa, dahilan upang mas madalas ang aksidente at maging mahirap ang rescue operations.
Kinumpirma rin ng mga saksi na mano-manong paghuhukay ang ginagawa sa lugar.
Bumisita naman noong Biyernes si Governor Erasto Bahati Musanga sa mga nakaligtas.
Ang Rubaya ay isa sa mga bayang kontrolado ng M23 rebels, na ayon sa mga international observer ay sinusuportahan ng Rwanda, isang paratang na matagal nang itinatanggi.
Ang mga minahan sa Rubaya ay tinatayang may 15% ng pandaigdigang suplay ng coltan at kalahati ng deposito nito sa Democratic Republic ng Congo.
Ang coltan ay pinagmumulan ng tantalum, mahalagang sangkap sa paggawa ng smartphones, computers, at iba pang electronic devices.
Mula 2024, kontrolado ng M23 ang mga minahan, at inakusahan sila ng United Nations na nagpapataw ng buwis sa sektor ng pagmimina para sa sariling pakinabang.










