Cauayan City – Umani ng tiba-tibang Tilapia ang pitong fisherfolk organization sa Magat Dam sa Ramon, Isabela.
Sa pamamagitan ng Circular High-Density Polyethylene o HDPE Fishcage, isang sistemang ipinakilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pag-aalaga ng isda ay umabot sa 5,000 kilo ang inani ng mga mangingisda.
Labindalawang unit ng HDPE ang ibinigay ng BFAR sa pitong organisasyon ng mga mangingisda mula bayan ng Ramon at Cordon, Isabela.
Labis ang pasasalamat ng mga miyembro ng naturang organisasyon sa BFAR Region 2 matapos ang magandang resulta ng kanilang ani, dahil mula sa 21.6 metric tons na kanilang inaasahang maani ay 5 metric tons na kaagad ang nakuha nila sa inisyal na harvest pa lamang.
Malaki ang maitutulong ng HDPE cage sa mga mangingisda dahil kaya nitong tumagal ng 30 taon kumpara sa tradisyonal na fish cage na gawa sa kawayan na ilang buwan lamang ang itinatagal.
Dahil sa magandang resulta nito, may sakuna man o wala ay asahang magiging sapat ang suplay ng isda sa buong rehiyon.