Monday, February 2, 2026

𝗠𝗔𝗬-𝗔𝗥𝗜 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗛𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗦𝗨𝗡𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗚𝗔𝗣𝗣𝗔𝗟, 𝗡𝗔𝗡𝗔𝗪𝗔𝗚𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚

Cauayan City – Hindi napigilan ng may ari ng nasunog na bahay sa Brgy. Gappal, Cauayan City ang maging emosyonal matapos ang sinapit ng kanilang tahanan ngayong araw, ikalawa ng Pebrero.

Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Ginang Joan Agbayani, may-ari ng bahay, bagama’t nagpapasalamat ito na walang nasaktan sa insidente, naghihinagpis pa rin ito dahil walang naisalba sa kanilang mga gamit na nasa loob ng bahay, maliban na lamang sa iilang piraso ng damit na nasa sampayan sa labas ng bahay.

Paglalahad nito, kasalukuyan silang nag-aabono sa bukid ng matanaw nila ang makapal na usok sa direksyon ng kanilang bahay. Kasunod nito, isa sa kanilang mga ka-barangay ang nagtungo sa bukid upang ipaalam na ang nasusunog pala ay ang kanilang bahay.

Ipinagpapasalamat naman nito ang pagtutulungan ng kanyang mga kapitbahay upang maapula ang sunog, ganundin ang hanay ng BFP na rumesponde sa lugar.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, naabo lahat ng gamit sa loob ng kanilang bahay kabilang na ang mga gamit sa pag-aaral ng kanyang dalawang anak.

Dahil dito, kumakatok si Ginang Agbayani sa lahat ng mga nagnanais magpaabot ng tulong sa kanila. Anumang tulong katulad na lamang ng pinansyal, mga damit, at gamit sa pag-aaral ng kanyang mga anak ay taos puso nilang tatanggapin magkaroon lamang ng panimula matapos ang insidente.

Sa ngayon, pansamantala munang manunuluyan sina Ginang Agbayani kasama ang asawa at dalawang anak nito sa bahay ng kanyang biyenan.

Para sa mga nagnanais magpaabot ng tulong pinansyal, maaaring magsend sa gcash number na 09162329588 – Vanessa Acob.

Maari ring magtungo sa kanilang lugar sa Purok 4, Brgy. Gappal, Cauayan City, Isabela, o makipag-ugnayan sa 98.5 IFM Cauayan.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments