𝗠𝗘𝗡𝗢𝗥 𝗗𝗘 𝗘𝗗𝗔𝗗 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗚𝗡𝗔𝗞𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗦𝗜𝗞𝗟𝗢, 𝗡𝗔𝗛𝗨𝗟𝗜 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗖𝗛𝗘𝗖𝗞𝗣𝗢𝗜𝗡𝗧

Cauayan City – Isang 17-anyos na binatilyo ang naharang sa checkpoint matapos maaktuhang may dala umanong ninakaw na motorsiklo sa bayan ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Ayon sa Regional Mobile Force Battalion 2, habang nagsasagawa ng border checkpoint ang mga pulis sa Brgy. Tactac, Sta. Fe, napansin nila ang isang Suzuki Raider na minamaneho ng menor de edad na kinilalang si alyas “Jay” , residente ng Surigao del Norte.

Dahil sa kahina-hinalang kilos nito, agad siyang pinahinto at siniyasat ng mga awtoridad.


Nang hingin ang mga papeles ng motorsiklo, napag-alamang hindi ito tumutugma sa pagkakakilanlan ng driver.

Sa pakikipag-ugnayan sa Highway Patrol Group, napatunayan na ang naturang motorsiklo ay ninakaw mula kay Edimar Saralla Bejer na residente ng Abulug, Cagayan.

Dahil dito, agad na inaresto si alyas “Jay” at dinala sa Sta. Fe Police Station para sa kaukulang dokumentasyon.

Samantala, nabawi na ng may-ari ang kanyang motorsiklo sa tulong ng Tuguegarao City Police Station.

Facebook Comments