Panawagan ngayon ng mga mango growers sa Pangasinan ang pagkakaroon umano sana ng pagpupulong kaugnay sa nararanasan nilang hirap sa pag-aalalaga ng tanim na manga dahil sa El niño.
Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Mango Growers Association President Mario Garcia, sinabi nitong hirap sila ngayon sa pag-aalaga ng mga tanim na manga dahil wala halos masipsip na moist o tubig ang mga puno dahil sa epekto ng El niño.
Isa sa isinasagawa umano nilang paraan ay ang kusang pagdidilig na sa bawat puno.
Pansin rin nito na nabawasan na rin umano ang mga nagsspray ng manga sa kanila kung ikukumpara sa dati nilang bilang.
Dagdag pa ni Garcia, wala pang tulong na nagmumula sa gobyerno dahil hindi pa umano nagkakaroon ang samahan ng mga mango growers sa lalawigan ng pag-uusap kung kaya’t hiling nila na magkaroon na sana nang sa gayon ay mapag-usapan ang mga paraan at solusyon sa nararanasan nilang epekto ng El niño. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨