Inihayag ng National Irrigation Administration Pangasinan na inaayos na ng kanilang tanggapan ang mga nasirang water pumps at irigasyon sa bayan ng Sta. Barbara.
Sinabi ni Engr. John Molano ng NIA-Pangasinan, na nagsasagawa na sila ng paraan upang maayos ang mga nasirang water pumps at irigasyon sa nasabing bayan matapos isangguni sa kanilang tanggapan na hindi napapakinabangan ng mga magsasaka ang kagamitang ito matapos masira.
Ayon pa sa kanya, isa sa dahilan ng ng pagkasira ng irigasyon ay dahil ang bayan ng Sta. Barbara ay tail end na o buntot na ng irigasyon kung kaya’t hindi na nalalagyan ng tubig lalo’t nakakaranas ngayon ng tagtuyot.
Matatandaan kasi na nakapanayam ng IFM News Dagupan ang ilang magsasaka sa Barangay Payas sa bayan na nahihirapan sila dahil sa kakulangan at kawalan ng water pumps at irigasyon sa kanilang lugar dahilan upang mahuli sa paglaki o nauuwi sa pagkabansot ang kanilang mga pananim.
Kung kaya’t kanilang ipinanagawagan sa awtoridad ang kanilang mga nararanasang problema. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨