
Cauayan City — Nakatakdang idaos ngayong araw ika-23 ng Pebrero 2026, ang pagdinig ng kumpirmasyon ng mga paratang laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y mga krimen, kabilang ang pagpatay at tangkang pagpatay na sinasabing naganap sa Pilipinas.
Ayon sa International Criminal Court (ICC), ang pagdinig ay magsisimula alas-10:30 ng umaga (CET). Inaasahang tatagal ang pagdinig hanggang Pebrero 27.
Sa naturang pagdinig, maghahain ng kani-kanilang oral arguements ang Prosekusyon, at mga Legal na Kinatawan ng mga Biktima sa harap ng mga hukom ng ICC.
Nilinaw ng ICC na ang pagdinig ng kumpirmasyon ng mga paratang ay hindi pa isang paglilitis.
Isa itong pre-trial na proseso kung saan tutukuyin ng mga pre-trial judges kung may sapat na ebidensya upang isulong ang kaso sa ganap na paglilitis.
Hindi pa sa yugtong ito magpapasya ang mga hukom kung inosente o nagkasala si Duterte.
Sa halip, kanilang pagdedesisyunan kung may sapat na batayan ang mga paratang upang umusad ang kaso sa susunod na yugto ng proseso ng korte.
Patuloy namang inaabangan ng publiko ang magiging takbo ng pagdinig, na itinuturing na mahalagang hakbang sa kasong may malaking implikasyon sa lokal at internasyonal na larangan ng hustisya.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










