
Cauayan City – Maituturing na payapa ang selebrasyon ng Bambanti Festival 2026, ayon sa Isabela Police Provincial Office.
Ayon sa ulit, sa isang linggong selebrasyon ng kapistahan ng lalawigan ng Isabela, walang naitalang anumang major untoward incident ang kapulisan.
Ang maayos at ligtas na selebrasyon ay resulta ng masusing paghahanda, malinaw na security at deployment plan, at mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang katuwang na ahensya.
Matatandaang nasa 300 augmented police personnel mula sa iba’t ibang unit ang itinalaga sa mga pangunahing venue, convergence areas, matataong lugar, at sa pamamahala ng daloy ng trapiko upang masiguro ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.
Sa isang linggong selebrasyon, ipinatupad ang mahigpit na police visibility, epektibong crowd control, at maayos na traffic management na nakatulong upang maiwasan ang kaguluhan, mapanatili ang kaayusan, at matiyak ang agarang pagtugon ng pulisya sa anumang insidente o concern ng mamamayan.
Naging mahalagang bahagi rin ng matagumpay na seguridad ang tuluy-tuloy na monitoring at on-site supervision ng mga opisyal ng IPPO, gayundin ang aktibong pakikipag-ugnayan sa Peace and Order, Traffic, Parking and Crowd Control Committee ng Bambanti Festival 2026 at sa mga emergency response units.
Pinuri ng mga lokal na opisyal, festival organizers, at mga dumalong bisita ang ipinamalas na propesyonalismo, disiplina, at dedikasyon ng hanay ng kapulisan na nagbigay ng kapanatagan at tiwala sa publiko sa buong pagdiriwang.
———————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










