
Cauayan City – Malaking hamon para sa hanay ng Cauayan City Fire Station ang pagresponde sa mga naitatalang sunog sa malalayong bahagi ng lungsod ng Cauayan, katulad na lamang sa bahagi ng Forest Region.
Dahil dito, isa sa kanilang iminumungkahi ay ang pagkakaroon ng Sub-Station sa malalayong bahagi ng lungsod upang mas maging mabilis pa ang kanilang pagresponde hindi lamang sa mga insidente ng sunog kundi maging sa iba pang emergency situations.
Sa panayam ng IFM News Team kay FCINSP Francis David Barcellano, nang maitalaga siya bilang hepe ng Cauayan City Fire Station, isa sa kanyang inilapit sa LGU Cauayan ay ang pagkakaroon nga ng Fire-Substation.
Aniya, nasaksihan mismo nito ang hirap ng mga fire personnel sa pagresponde sa bahagi ng Forest Region noong nakaraang taon nang makaranas ng bagyo sa lungsod, lalo na kapag hindi maaaring daanan ang Alicaocao Overflow Bridge kung saan kinakailangan pang umikot sa bayan ng Naguilian.
Sinabi nito na malaking tulong ang pagkakaroon ng Fire Sub-Station sa bahaging ito ng lugar upang mas maging epektibo pa ang kanilang pagbibigay serbisyo sa mga Cauayeño na nangangailangan ng tulong.
Samantala, positibo naman umano ang naging tugon ng LGU Cauayan sa pangunguna ng ama ng lungsod na si Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., kung saan maaari umanong isama ang Sub-Station ng BFP Cauayan sa Base ng Rescue 922 ng Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










