𝗣𝗔𝗚𝗠𝗜𝗠𝗜𝗡𝗔 𝗦𝗔 𝗗𝗨𝗣𝗔𝗫 𝗗𝗘𝗟 𝗡𝗢𝗥𝗧𝗘; 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗣𝗔𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗞𝗢𝗡𝗚𝗥𝗘𝗦𝗢!

Cauayan City — Isinulong ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Timothy Joseph Cayton ang House Resolution No. 418, na nananawagang magsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Natural Resources hinggil sa mga exploration activities ng Woggle Corporation sa bayan ng Dupax del Norte.

Pinag-aaralan rin ang posibleng pagbawi ng exploration permit na ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau.

Batay sa naturang resolusyon, noong Agosto 2025, nabigyan ng Exploration Permit No. 00003011 ang Woggle Corporation para sa pagmimina ng ginto at tanso sa may 3,101 ektaryang lupain sa Dupax del Norte, alinsunod sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995.

Subalit, nagpahayag ng matinding pagtutol ang mga residente ng Barangay Bitnong at karatig-barangay dahil umano sa banta ng pagmimina sa ekolohiya at kabuhayan ng komunidad.

Ayon sa resolusyon, ang Nueva Vizcaya ay isang agrikultural na lalawigan at pinagmumulan ng mga pangunahing ilog sa Hilagang Luzon, kaya’t lubhang sensitibo ito sa mga gawaing maaaring makasira sa kapaligiran.

Lumalabas din sa ulat na may mga kakulangan sa konsultasyon sa publiko at kawalan ng pahintulot mula sa mga may-ari ng lupa at apektadong residente, bagay na maaaring lumabag sa mga tuntunin ng DENR–MGB.

Dahil dito, nais alamin ng resolusyon kung narespetuhan ba ang due process, environmental safeguards, at mga kondisyong nakasaad sa permit ng kumpanya.

Layon ng imbestigasyon na masuri kung dapat bang bawiin o amyendahan ang permit ng Woggle Corporation, at kung dapat bang alisin sa saklaw ng operasyon ang ilang barangay gaya ng Oyao, Munguia, Macabenga, Inaban, at Parai.

Kabilang sa mga makatatanggap ng kopya ng resolusyon ang DENR, MGB, Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya, at LGU ng Dupax del Norte para sa kanilang kaalaman at nararapat na aksyon.

Facebook Comments