Cauayan City – Aminado ang pamunuan ng Brgy. District 3 na hirap silang bantayan ang mga pasaway na mga kabataan sa kanilang nasasakupan.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Oscar Calabbun treasurer ng naturang Barangay, ilang mga kabataan na mula sa kanilang lugar ang nasangkot sa ilang mga krimen at insidente.
Aniya, hindi naman nagkukulang ang mga opisyal ng barangay maging ang kanilang mga barangay tanod sa pagpapaalala at pagbabantay sa mga ito ngunit sadyang matitigas ang ulo ng mga ito.
May mga pagkakataon na kahit madaling araw na ay mayroon pa rin umanong mga kabataan partikular na ang mga dalagita na pagala-gala sa mga lansangan.
Madalas umanong maging sanhi ng pagkakasangkot sa mga kaguluhan, krimen at insidente ang ganitong gawain ng mga kabataan kaya’t nananawagan si Calabbun sa mga magulang ng mga ito na tulungan silang bantayan ang kanilang mga anak.