Thursday, February 5, 2026

𝗣𝗜𝗖𝗞-𝗨𝗣 𝗧𝗥𝗨𝗖𝗞, 𝗜𝗡𝗔𝗥𝗔𝗥𝗢 𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗜𝗖𝗬𝗖𝗟𝗘 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡; 𝟮, 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡



Cauayan City – Sugatan ang dalawang tricycle driver matapos banggain at araruhin ng isang pick-up truck ang pitong pampasaherong tricycle na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Barangay Guising, Gattaran, Cagayan.

Nangyari ang insidente sa tapat mismo ng Don Mariano Marcos National High School habang naghihintay ang mga tricycle ng mga estudyanteng pasahero.

Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Gattaran, nag-overtake umano ang pick-up truck at nawalan ng kontrol ang driver, dahilan upang dire-diretsong bumangga sa mga tricycle na magkakahilerang nakapuwesto sa kalsada.

Agad na rumesponde ang MDRRMO Gattaran Rescue 721 matapos makatanggap ng tawag mula sa mga residente.

Agad na isinugod ang mga biktima sa Dr. Tomas L. Nolasco Memorial Hospital para sa agarang medikal na atensyon.

Samantala, upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko, gumamit ng boom truck ang Rescue 721 upang mailipat ang mga nasirang sasakyan.

Nagpatupad din ang mga awtoridad ng traffic management sa lugar upang maibalik ang normal na daloy ng mga sasakyan at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at mga estudyanteng dumaraan sa lugar.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente para matukoy kung ano ang tunay na sanhi nito.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments