Cauayan City – Handang-handa na ang pwersa ng Public Order and Safety Division para sa magaganap na Grand Float Parade sa lungsod ng Cauayan bukas.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay POSD Chief Pilarito Mallillin, buong pwersa ng POSD ang magbabantay sa sitwasyon ng lansangan sa lungsod bukas.
Aniya, inaabisuhan na nito ang mga motorista na maaaring maantala ang oras ng kanilang pagbiyahe dahil sa magaganap na Grand Parade.
Gayunpaman, maaaring mas mabilis ang magaganap na parade ngayon dahil hindi na kasali ang mga street dancers sa pagparada at tanging ang mga Floats na lamang.
Ayon sa kanya, hindi na isinali ang mga mananayaw dahil sa maaaring maging epekto na matinding init ng panahon sa kanila.
Sinabi naman ni Chief Malillin na pansamantala lamang na maaantala ang daloy ng trapiko at kaagad ring magbabalik sa normal oras na matapos ang parada.