Wednesday, February 25, 2026

𝗣𝗢𝗪𝗘𝗥𝗣𝗟𝗔𝗡𝗧, 𝗜𝗧𝗔𝗧𝗔𝗬𝗢 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗡𝗨𝗘𝗟, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

Cauayan City – Itatayo ang powerplant sa bayan ng San Manuel, Isabela matapos makumpleto ang konsultasyon sa mga barangay kaugnay ng proyekto na itinuturing ngayong pinakamalaking pamumuhunan sa kasaysayan ng munisipyo.

Sa panayam ng IFM News Team kay San Manuel Mayor Faustino U. Dy IV, ilalagay ang planta sa itinalagang industrial zone ng bayan alinsunod sa naaprubahang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) na inaasahang magdudulot ng “cascading effect” o pagpasok ng mas maraming industrial business dahil sa mas maaasahan at sapat na suplay ng kuryente.

Pakikinabangan ito ng publiko sa pamamagitan ng job generation para sa mga residente kung saan inaasahang tataas ang kita ng lokal na pamahalaan mula sa buwis na babayaran ng powerplant.

Tinutulak din ng mga proponents ang pakikipag-ugnayan sa Isabela Electric Cooperative I (ISELCO-I) upang hindi na dumaan sa national grid ang kuryenteng ibebenta ng planta.

Layunin nitong maiwasan ang dagdag-singil at mapababa ang gastos sa kuryente ng mga konsyumer sa lalawigan.

Samantala, patuloy din ang pagpapaunlad ng iba pang proyekto sa bayan. Kabilang dito ang tatlong pickleball court na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan bilang dagdag na pagkakakitaan ng barangay at munisipyo.

Bilang ito ay programa ng gobyerno, bukas ito araw-araw mula alas-1 hanggang alas-3 ng hapon para sa mga government officials at uniformed personnel gaya ng pulis, militar, BFP at DepEd mula sa iba’t ibang bayan.

Sa aspeto naman ng turismo, kasalukuyang itinatayo ang events place at jogging area sa boarder ng San Manuel at bayan ng Roxas na inaasahang magiging bagong pasyalan ng publiko.

Sa kabuuan, ang powerplant ang magiging susi sa mas mabilis na pag-angat ng ekonomiya ng San Manuel at sa mas malawak na pag-unlad ng lalawigan ng Isabela.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments