Wednesday, February 18, 2026

𝗣𝗥𝗘𝗦𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗟𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔 𝗔𝗧 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔, 𝗨𝗠𝗔𝗕𝗢𝗧 𝗡𝗔 𝗦𝗔 ₱𝟯𝟭/𝗞𝗜𝗟𝗢

Cauayan City – Umakyat hanggang ₱31 kada kilo ang farmgate price ng palay sa Rehiyon Dos ngayong cropping season, ayon sa Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA RFO 02).

Batay sa pinakahuling Daily Price Index ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), patuloy ang pagtaas ng average farmgate prices sa iba’t ibang lalawigan, partikular sa Isabela at Nueva Vizcaya kung saan may mga magsasaka nang nakapag-ani at nakapagbenta ng kanilang palay.

Sa Isabela, nasa ₱22 hanggang ₱26 kada kilo ang fresh o wet palay, habang ₱27 hanggang ₱31 kada kilo naman ang dry palay habang sa Nueva Vizcaya, umaabot sa ₱19.50 hanggang ₱24.50 kada kilo ang fresh palay, at wala pang naitalang bentahan ng dry palay sa kasalukuyang monitoring period.

Kabilang sa mga lugar sa Isabela na maagang nakapag-ani ang Cabatuan, Luna, San Mateo, City of Ilagan, Sta. Maria, Quirino, Alicia, Sto. Tomas at Tumauini. Sa Nueva Vizcaya naman ay ang Bagabag, Bayombong, Solano at Villaverde.

Ayon sa DA RFO 02, nakatulong sa pagtaas ng presyo ang maayos na pagpapatupad ng planting calendar na nag-iwas sa sabay-sabay na pag-aani at labis na suplay sa merkado.

Sa datos ngayong Pebrero, umabot na sa 8,513.24 na ektarya ang lawak na naani sa Nueva Vizcaya na may katumbas na 26,765.90 metric tons production. Sa Isabela naman, 1,264.10 ektarya ang naani na may 5,342.44 metric tons na ani.

Sa kabuuan, pumalo na sa 9,777.34 na ektarya ang harvested area na may kabuuang produksyon na 37,335.28 metric tons, hindi pa kabilang ang Quirino at Cagayan na hindi pa nagsisimula ang anihan.

Nakahanay ang mga hakbang na ito sa layunin ni Francisco Tiu Laurel Jr. na mapataas ang kita ng mga magsasaka, mapababa ang kahirapan, at mapatatag ang food self-sufficiency ng bansa.

Binigyang-diin ng DA RFO 02 na ang maayos na pagpaplano sa produksyon at tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka ay susi upang mapanatili ang patas na presyo at matatag na kabuhayan sa sektor ng palay sa Rehiyon Dos.

Source and Photo Courtesy: DA Region 2

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments