Apektado at umaaray na ang ilang mga magsasaka sa bahagi ng bayan ng Calasiao dahil naapektuhan na ang kanilang mga pananim na gulay dulot pa rin ng mainit na panahon.
Sa may bahagi ng Barangay Songkoy, ang ilang mga magsasaka ay iniinda ang bahagyang pagkalanta at pagkaunti ng produksyon ng mga itinatanim nilang sitaw, talong, maging ng mga kalamansi.
Dahil dito, apektado ang produksyon ng mga nasabing pananim; dahil ito ay babad sa arawan kaya’t hindi maiiwasan ang bahagyang pagkalanta o ang mas malala ay ang pagkatusta ng mga bunga nito.
Ayon sa mga magsasaka, magastos ang pagpapatubig kaya’t kanya-kanyang diskarte na lang sila upang maisalba o mapakinabangan pa rin ang mga apektadong pananim na babad sa initan.
Samantala, matatandaan na inabisuhan na ng Pangasinan Provincial Agriculture Office ang mga magsasaka na iwasan muna ang pagtatanim ng gulay sa mga lugar na malayo sa mga dinadaanan ng mga patubig.
Nagpapatuloy naman ang iba’t ibang programa ng gobyerno sa pagbibigay tulong sa mga magsasaka, tulad ng pagbibigay ng mga drought-tolerant seeds at nagsisikap na ipinaabot pa ang mga tulong na kinakailangan ng mga magsasaka sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨