Friday, March 6, 2026

𝗣𝗥𝗢𝟮, 𝗡𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗞𝗢 𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗙𝗔𝗞𝗘 𝗡𝗘𝗪𝗦

Cauayan City – Pinaalalahanan ng Police Regional Office 2 ang publiko na maging mapanuri at responsable sa pagbasa at pagbabahagi ng impormasyon sa internet upang maiwasan ang pagkalat ng fake news.

Ayon sa PRO2, mahalagang suriin muna ang pinagmulan ng impormasyon dahil maraming pekeng website at anonymous na posts na naglalabas ng maling balita.

Hinihikayat din ang mga netizen na basahin ang buong artikulo at huwag basta magreact o magbahagi batay lamang sa headline.

Pinapayuhan din ang publiko na pag-isipang mabuti bago magbahagi ng anumang impormasyon, lalo na kung ito ay masyadong emosyonal o sensational.

Dapat ding suriin ang petsa ng balita dahil may mga lumang istorya o datos na muling ginagamit sa ibang konteksto upang magdulot ng maling interpretasyon.

Kabilang din sa mga paalala ang pagkuwestyon sa mga numerong walang malinaw na pinanggalingang datos, pati na ang maingat na pagsusuri sa mga larawan at video na maaaring manipulahin o gawa ng deepfake.

Mahalaga ring tingnan kung buo ang pahayag dahil ang isang pangungusap na wala sa tamang konteksto ay maaaring magbago sa kahulugan ng balita.

Samantala, binigyang-diin ng ahensya na ang pagpapakalat ng fake news ay isang krimen sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Section 18 ng Republic Act No. 10951.

Sa ilalim ng batas, maaaring patawan ng parusang arresto mayor at multang mula ₱40,000 hanggang ₱200,000 ang sinumang maglalathala o magpapalathala ng maling balita na maaaring magdulot ng panganib sa publiko o makakasira sa interes at kredibilidad ng estado.

Source: PRO2

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments