
Cauayan City – Nakapagtala ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ng mahigit 34% na pagbaba ng mga kaso ng rape sa kanilang lalawigan noong taong 2025.
Ayon sa ulat, 46 na insidente ang naitala, mababa kung ikukumpara sa 70 kaso noong taong 2024.
Ayon sa NVPPO, bunga ito ng pinaigting hakbang ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa child protection councils, anti-trafficking committees, at mga partner na ahensya tulad ng Municipal Social Welfare and Development Office at gender sectors.
Malaki rin ang naging papel ng Oplan Tambuli Rape Advocacy Campaign, mas madalas na police patrols, pagpapatupad ng curfew, at pagpapabuti ng public safety gaya ng street lighting.
Sinabi ni Police Colonel Paul Bometivo, Provincial Director ng NVPPO, na patunay ang pagbaba ng mga kaso sa epektibong pagtutulungan ng pulisya, pamahalaan, at komunidad sa pagbibigay-proteksyon sa mga sektor na mas bulnerable sa karahasan.
Tiniyak ng NVPPO na ipagpapatuloy at lalo pang paiigtingin ang mga programang ito upang mapanatili ang kaligtasan at mabawasan pa ang karahasang batay sa kasarian sa lalawigan.








