CAUAYAN CITY- Patuloy ang isinasagawang relief operations ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 sa mga apektadong indibidwal sa pananalasa ni Bagyong Marce sa Lambak ng Cagayan.
Ayon sa ulat, nakapamahagi ang ahensya ng 13 family food packs sa mga residente sa baybayin ng Palanan, Isabela.
Habang sa probinsya ng Cagayan naman ay nakapamahagi ang ahensya ng DSWD ng kabuuang 676 family food packs at 127 non-food items sa bayan ng Iguig, Aparri, Ballesteros, Camalaniugan, Claveria, Lal-lo, Abulug, at Buguey.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng clearing operations ang ilang bahagi ng Cagayan sa mga pinsalang idinulot at iniwan ni Bagyong Marce sa lalawigan.
Samantala, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga Lokal na Pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong residente.