
Cauayan City – Sugatan ang 3 indibidwal matapos araruhin ng isang retiradong sundalo ang ilang sasakyan habang binabaybay ang pambansang lansangan sa Cauayan City.
Ayon sa ulat mula sa Cauayan City Police Station, ang suspek ay kinilalang si alyas “Joey”, 54-anyos, isang retiradong sundalo, at residente ng Sta. Maria, Lal-lo, Cagayan.
Lumalabas sa imbestigasyon na mabilis umano ang takbo ng sasakyan ng suspek dahilan upang una nitong nabangga ang isang tricycle na minamaneho ni Ginoong Gervacio sakay ang dalawa pang estudyante.
Sinubukan pang tumakas ng suspek matapos banggain ang tricycle subalit habang paalis sa lugar, sunud-sunod naman nitong nabangga ang ilan pang sasakyan kabilang na ang isang single motorcycle, isang Hyundai H100, Nissan Navara, at isang Toyota Prado.
Matapos ang araruhin ang mga sasakyan, nagpatuloy sa pagtakas ang suspek kaya naman kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kapulisan. Nagawa ring maharang ng mga awtoridad ang suspek sa bahagi ng Brgy. Alicaocao, Cauayan City.
Nagtamo naman ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang driver ng tricycle at ang dalawang estudyanteng pasahero nito. Maliban dito, nagtamo rin ng pinsala ang mga sasakyang nadamay sa aksidente.
Sa pinakahuling ulat mula sa Cauayan City Police Station, nagkaroon na umano ng kasunduan sa pagitan ng suspek at mga biktimang naabala nito.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan









