𝗦𝗔𝗡𝗧𝗜𝗔𝗚𝗢 𝗖𝗜𝗧𝗬 𝗣𝗢𝗟𝗜𝗖𝗘 𝗢𝗙𝗙𝗜𝗖𝗘, 𝗡𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗢𝗗𝗨𝗦 𝗢𝗣𝗘𝗥𝗔𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗟𝗜𝗦𝗜 𝗚𝗔𝗡𝗚

 

Cauayan City — Naglabas ng paalala ang Santiago City Police Office sa publiko kaugnay ng modus operandi ng salisi gang, ngayong holiday season lalo na sa mga matataong lugar.
Ang pananalisi ay isang uri ng pagnanakaw na karaniwang nangyayari sa mga hotel lounge, coffee shop, café, at restaurant na madalas puntahan ng mga turista at negosyante.
Ayon sa SCPO, ang mga suspek ay kadalasang maayos manamit at magpakita ng imahe ng lehitimong negosyante o mayamang kustomer upang hindi mapaghinalaan.
Nilalapitan nila ang biktima at naghihintay ng pagkakataon kapag ang huli ay abala sa pakikipag-usap o naiiwan ang mga personal na gamit nang walang bantay.
Sa isang mabilis na galaw, kinukuha ng salarin ang bag o mahahalagang gamit at agad na umaalis sa lugar nang hindi napapansin.
Pinapayuhan ng pulisya ang publiko na bantayang mabuti ang kanilang mga gamit at manatiling mapagmatyag upang maiwasan ang ganitong uri ng krimen.
Source: Santiago City Police Office
Facebook Comments