𝗦𝗔𝗩𝗘 𝗧𝗛𝗘 𝗣𝗛𝗜𝗟𝗜𝗣𝗣𝗜𝗡𝗘𝗦 𝗖𝗢𝗔𝗟𝗜𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗜𝗡 𝗡𝗚 𝗥𝗘𝗞𝗟𝗔𝗠𝗢 𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗞𝗔𝗬 𝗥𝗘𝗖𝗧𝗢 𝗔𝗧 𝗟𝗘𝗗𝗘𝗦𝗠𝗔

‎Cauayan City – Patung-patong na reklamo ang inihain ng Save the Philippines Coalition sa Office of the Ombudsman laban kina dating Finance Secretary at kasalukuyang Executive Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth President Emmanuel Ledesma.
‎Kabilang sa mga kaso ang plunder, graft, malversation, at grave misconduct na isinampa noong Disyembre 22, 2025.
‎Ugat ng reklamo ang desisyon ng Korte Suprema na labag sa batas ang paglilipat ng halos PHP90 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury. Noong 2024, nailipat ang PHP60 bilyon habang nahinto sa korte ang paglilipat ng natitirang PHP29.9 bilyon.
‎Inatasan kamakailan ng Korte Suprema ang pagsauli ng PHP60 bilyon sa PhilHealth matapos ideklarang unconstitutional ang naging batayan ng naturang transfer.
‎Ayon sa Coalition, si Recto ang itinuturong pangunahing responsable dahil siya ang naglabas ng kautusan na nagbigay-daan sa paglipat ng pondo, habang si Ledesma naman ay sinisi dahil umano sa pagpapabaya bilang pinuno ng PhilHealth.
‎Giit ng grupo, dapat ginamit ang pondo sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan o sa pagpapababa ng kontribusyon ng mga miyembro, alinsunod sa PhilHealth charter at Universal Health Care law.
‎Samantala, sinabi ni Recto na iginagalang niya ang karapatan ng sinuman na dumulog sa korte at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Ombudsman.
Nilinaw din niyang bukas siyang sagutin at linawin ang mga paratang na ibinabato laban sa kanya.
Isasailalim pa sa pag-aaral ng Office of the Ombudsman ang mga reklamong inihain.
‎Photo credit to: Save the Philippines Coalition/FB
Facebook Comments