Sunday, April 12, 2026

𝗦𝗠𝗢𝗞𝗘 𝗠𝗔𝗖𝗛𝗜𝗡𝗘 𝗣𝗛 𝗔𝗧 𝗜𝗕𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡𝗚𝗞𝗢𝗧 𝗦𝗔 𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢’𝗬 𝗜𝗟𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗗𝗥𝗔𝗚 𝗥𝗔𝗖𝗜𝗡𝗚, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗧𝗔𝗪𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗥𝗨𝗦𝗔 𝗡𝗚 𝗟𝗧𝗢

Cauayan City – Pinatawan ng parusa ng Land Transportation Office (LTO) ang 15 indibidwal na sangkot sa illegal drag racing na kumalat sa social media, partikular sa Facebook page na “Smoke Machine PH.”

Ito ay bunsod ng isinagawang imbestigasyon ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) matapos makatanggap ng mga reklamo hinggil sa pagpapalaganap ng ilegal na karera sa mga pampublikong kalsada.

Nito lamang ika-4 ng Pebrero, naglabas ang LTO ng kabuuang 17 Show Cause Orders laban sa mga rehistradong may-ari at driver ng mga sasakyang lumabas sa mga video upang magsumite ng kanilang paliwanag at humarap sa IID upang sagutin ang mga paratang.

Nakipag-ugnayan din ang ahensya sa Meta Philippines upang ipatanggal ang mga Facebook account na “Smoke Machine PH” at “Roberto Uson” na umano’y ginamit sa pag-upload at pagpapakalat ng nasabing mga video. Ayon sa ulat, tinanggal na ng Meta ang account na “Roberto Honrado Uson” dahil sa paglabag sa polisiya ukol sa paggamit ng pekeng pagkakakilanlan, habang nananatiling aktibo ang “Smoke Machine PH.”

Nakipagtulungan din ang LTO sa Regional Office II upang matunton at mahuli ang isa sa mga pangunahing sangkot sa insidente. Gayunman, hindi ito natagpuan sa nakarehistrong address at patuloy pa ang paghahanap sa kanyang kinaroroonan.

Matapos ang imbestigasyon, naglabas ang LTO ng mga resolusyon kung saan ipinataw ang kaukulang parusa, kabilang ang tuluyang pagbawi ng lisensya ng isang respondent at suspensyon ng lisensya ng labing-apat 14 na iba pa na tatagal mula tatlo 3 hanggang anim (6) na buwan.

Iginiit ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang mahigpit na paninindigan ng ahensya laban sa ilegal na karera sa kalsada.

Aniya, hindi kukunsintihin ng LTO ang anumang uri ng ilegal na racing dahil nagdudulot ito ng matinding panganib sa kaligtasan ng publiko. Dagdag pa niya, paiigtingin pa ng ahensya ang kanilang operasyon at imbestigasyon upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas.

Muli ring nanawagan ang LTO sa publiko na maging mapagmatyag, iwasan ang pagsali sa ilegal na aktibidad sa kalsada, at sumunod sa umiiral na batas-trapiko para sa kaligtasan ng lahat.

Facebook Comments