
Cauayan City – Inaprubahan ng House of Representatives of the Philippines ang dalawang panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa na naglalayong palakasin ang tulong sa mga estudyanteng Pilipino.
Bahagi ito ng hakbang ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapalawak ang access sa edukasyon sa bansa.
Nilalayon ng House Bill 8476 na palawakin ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy sa ilalim ng Republic Act No. 10931 upang matulungan ang mas maraming estudyante sa kanilang gastusin sa kolehiyo.
Samantala, itinatag ng House Bill 8477 ang Presidential Merit Scholarship Program para suportahan ang mga mag-aaral na may natatanging husay sa akademya.
Ayon kay Isabela House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, ipinapakita ng mga panukala ang matibay na paninindigan ng pamahalaan na gawing prayoridad ang edukasyon at paghubog sa kakayahan ng kabataan bilang susi sa kaunlaran.
Binigyang-diin din na kasabay ng mga repormang ito ang malaking pondo para sa edukasyon sa 2026, na layong tiyakin na walang estudyanteng mapag-iiwanan.
Aniya, mahalagang mamuhunan sa edukasyon upang maihanda ang susunod na henerasyon ng mga propesyonal at lider ng bansa.
Source: Faustino “Bojie” Dy III/FB










