
Cauayan City – Nakamit ng bayan ng Tumauini ang ika-13 puwesto sa kategorya ng 1st at 2nd Class Municipalities sa buong Pilipinas sa pinakabagong Department of Trade and Industry Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI).
Ang pagkilala ay ibinibigay sa mga lungsod at munisipalidad na nagpapakita ng mahusay na pagganap sa iba’t ibang aspeto ng pamamahala at kaunlaran.
Batay ang ranggo sa kabuuang puntos ng mga local na pamahalaan sa limang mahahalagang haligi: Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagkakapasok ng Tumauini sa Top 15 ay sumasalamin sa matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at ng mamamayan upang patuloy na mapaunlad ang bayan at maihatid ang mas dekalikad na serbisyo publiko.
Ipinahayag din ng pamahalaang bayan ang kanilang pasasalamat sa suporta ng komunidad at tiniyak na ipagpapatuloy ang mga programang magpapalakas sa ekonomiya, imprastraktura, at inobasyon ng bayan.
Ang Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) ay taunang pagsusuri ng Department of Trade and Industry na naglalayong sukatin ang antas ng pagiging kompetitibo ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa nasabing pagkilala, patuloy na pinatutunayan ng Tumauini ang kanyang pagsisikap na maging isang maunlad, matatag, at progresibong bayan sa Isabela.










