𝟮 𝗜𝗡𝗗𝗜𝗕𝗜𝗗𝗪𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗠𝗔𝗚𝗗𝗘-𝗗𝗘𝗟𝗜𝗩𝗘𝗥 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗕𝗢𝗬, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗡𝗨𝗘𝗟

CAUAYAN CITY- Patay ang dalawang kalalakihan habang maswerte namang nakaligtas ang dalawang kasamahan ng mga ito sa nangyaring pamamaril sa Brgy. District 1, San Manuel, Isabela kahapon, ika-11 ng Oktubre.

Kinilala ang mga biktima na sina Lordwin Ganio at Christian Acierto na pawang mga residente ng Brgy. San Andres, Cabatuan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa PNP San Manuel, magdedeliver sana ang mga biktima ng karne sa bayan ng San Manuel ngunit pansamantalang gumilid ang mga ito matapos makita na mayroong LTO sa daan.


Bago maganap ang pamamaril, bumaba ang isa sa maswerteng nakaligtas upang bumili ng maiinom habang natutulog naman ang isa pa sa likod ng sasakyan.

Makalipas lamang ang ilang sandali matapos nilang huminto ay dito na sila pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin kung saan tinamaan sa ulo ang biktimang si Christian habang si Ganio naman ay tinamaan sa leeg.

Kaagad namang tumakas ang hindi pa natutukoy na suspek na nakasuot ng kulay itim na jacket, short, at itim na helmet sakay ang kulay itim na Yamaha Mio.

Sa kasalukuyan, puspusan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang alamin ang pagkakakilanlan ng suspek maging ang posibleng motibo nito.

Facebook Comments