
Cauayan City – Umani ng reaksiyon sa ilang residente ang pamamahagi ng dalawang kilo lamang ng bigas bilang ayuda ng lokal na pamahalaan ng Alicia, subalit ipinaliwanag ng alkalde na ito ay bahagi ng bagong sistema ng pamamahagi na nakabatay na ngayon per indibidwal at hindi na per household.
Ayon kay Alicia Mayor Joel Amos Alejandro, noong nakaraang taon, limang kilo ng bigas kada bahay ang ibinibigay na karaniwan umanong may tatlong household sa isang tahanan.
Dahil dito, nagpasya ang LGU na gawing per tao ang pamamahagi ng ayuda upang maging mas patas at mas maraming indibidwal ang makinabang.
Sa kasalukuyang pamamahagi, umabot umano sa humigit-kumulang 50,000 indibidwal ang nabigyan ng ayuda, dahilan kung bakit dalawang kilo ng bigas ang naipamahagi sa bawat kwalipikadong residente.
Kaugnay nito, nilinaw ng alkalde na tanging mga may Municipal ID lamang ang nabigyan ng ayuda sa kanyang dalawang araw na pag-iikot, bagay na ikinagalit ng ilan.
Gayunman, iginiit niya na ang Municipal ID ay mahalaga upang matukoy ang aktibo at aktwal na residente ng bayan, lalo na’t may mga rehistradong residente na lumipat na ng tirahan, nasa ibang bansa, o pumanaw na.
Dagdag pa niya, ang sistemang ito ay nakatutulong upang maiwasan ang doble-dobleng pagtanggap ng ayuda at masigurong walang residente ang mawawalan ng ayuda.
Binigyang-diin ng alkalde na bukas pa rin ang opisina ng munisipyo sa ikalawang palapag ng Robinsons Alicia para sa mga nais kumuha ng Municipal ID, at tiniyak na makatatanggap pa rin ng ayuda ang mga makakakuha nito sa mga susunod na pamamahagi.
Aniya, ang dalawang kilo ng bigas ay inisyal na ayuda pa lamang, at may nakahanda pang mga susunod na tulong, kabilang ang financial assistance, serbisyong medikal, at mga scholarship para sa mga mag-aaral, na lahat ay maaaring ma-avail gamit ang Municipal ID.
Sa kabila ng batikos, nanindigan ang alkalde na ang bagong sistema ay hakbang tungo sa mas maayos, patas, at organisadong pagbibigay ng serbisyo sa lahat ng taga-Alicia.
Facebook Comments









