𝟮 𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗚𝗡𝗔𝗞𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗪𝗔𝗧𝗘𝗥 𝗣𝗨𝗠𝗣

 

Cauayan City – Sa kulungan ang bagsak ng dalawang kalalakihan matapos itong maaresto ng mga awtoridad kahapon ika-5 ng Hulyo sa kasong pagnanakaw sa Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.

Ang suspek ay kinilalang sina alyas “Zaldy”, 26 anyos, at ang menor-de-edad na si Alyas “John Paul”, pawang residente ng Brgy. Marabulig 1, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na bago pa man mangyari ang pagnanakaw ay namataan na ang dalawa sa project site na pinangyarihan ng insidente.


Hindi nagtagal ay tinangay na ng mga ito ang isang 2×2 6.5HP water pump na ginagamit sa naturang proyekto sakay ng isang kolong-kolong.

Sinubukan pa umanong habulin ng nakasaksi ang mga suspek ngunit nabigo ang mga ito kaya’t kaagad silang humingi ng tulong sa mga opisyal sa nabanggit na barangay.

Positibo namang natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa tulong ng CCTV footage na nagresulta sa kanilang agarang pagkakaaresto at pagka-recover ng ninakaw na waterpump.

Facebook Comments