𝟯 𝗕𝗜𝗡𝗔𝗧𝗜𝗟𝗬𝗢, 𝗡𝗔𝗔𝗞𝗧𝗨𝗛𝗔𝗡𝗚 𝗛𝗨𝗠𝗜𝗛𝗜𝗧𝗛𝗜𝗧 𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗥𝗜𝗝𝗨𝗔𝗡𝗔 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡𝗧𝗜𝗔𝗚𝗢 𝗖𝗜𝗧𝗬

CAUAYAN CITY- Tatlong binatilyo ang inaresto sa Santiago City matapos maaktuhang gumagamit ng marijuana sa Purok 4, Brgy. Naggasican.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng patrolling ang mga pulis nang mapansin nila ang tatlong kalalakihan na nagkukumpulan sa isang liblib na lugar.

Nang lumapit ang patrol group, naamoy nila ang isang kahina-hinalang amoy na nagmumula sa mga sigarilyo ng mga suspek, kaya’t nagdesisyon silang magsagawa ng imbestigasyon.

Nang lapitan ng mga pulis ang mga suspek, agad na tumakas ang mga ito at tinangkang itapon ang kanilang mga hinihithit na sigarilyo.

Dahil sa mabilis na aksyon ng mga pulis, nahuli ang tatlong indibidwal at dinala sila sa Police Station 4 para sa dokumentasyon.

Narekober mula sa mga suspek ang isang piraso ng nakatiklop na papel na naglalaman ng mga tuyong dahon na pinaniniwalaang marijuana, na may bigat na 11.4 gramo at nagkakahalaga ng Php 1,368.

Samantala, napag-alaman na isa sa mga suspek ay menor de edad, kaya’t siya ay dinala sa City Social Welfare and Development (CSWD) para sa nararapat na aksyon.

Facebook Comments