𝟯 𝗜𝗡𝗗𝗜𝗕𝗜𝗗𝗪𝗔𝗟, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗡𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗗𝗔𝗚𝗔𝗡𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗗𝗨𝗠𝗣 𝗧𝗥𝗨𝗖𝗞

CAUAYAN CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng tatlong staff ng isang fast food chain matapos na madaganan ang mga ito ng natumbang dump truck sa Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon sa ulat, ang mga biktima ay isang lalaki, at angkas nito ang dalawang babae na noon ay pauwi na sana mula sa kanilang pinuntahang birthday party.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Major Frederick Ferrer na nangyari ang aksidente sa pakurbang bahagi ng kalsada.


Nauna noon ang motorsiklo na sinusundan naman ng trak na naglalaman ng feeds patungong Echague, Isabela.

Ayon sa driver, nawalan na ng preno ang trak kaya hindi na rin nito na control ang manibela at mas bumilis pa ang takbo nito dahil pababa ang kalsada.

Sinubukan umanong ibangga na lamang ng driver ang trak subalit nagpagewang-gewang muna ito bago tuluyang natumba.

Naipit nito ang tatlong biktima na nasa outer lane at nahila pa ng ilang metro.

Inihahanda na ngayon ang kasong imprudence resulting in multiple homicide and damage to property sa driver ng trak at ipapasuri rin ang sasakyan nito kung tunay na nawalan ito ng preno.

Facebook Comments