Wednesday, February 18, 2026

𝟯 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬, 𝟮 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗧𝗥𝗢𝗟 𝗕𝗔𝗦𝗘 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗟𝗜𝗡𝗚𝗔

Cauayan City – Nasawi ang tatlong indibidwal habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na pamamaril sa Allangigan Patrol Base sa Apatan, Pinukpuk nitong Martes ng gabi, ika-17 ng Pebrero.

Ayon sa paunang ulat, naganap ang insidente bandang 7:47 ng gabi kung saan ang suspek ay isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary na nakatalaga sa naturang patrol base. Tatlo ring miyembro ng CAFGU ang nasawi sa insidente habang dalawa pa ang nagtamo ng sugat.

Sa inilabas na pahayag ng 103rd Infantry Battalion, matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek ngunit kalaunan ay natunton at naaresto rin ito sa Pinukpuk, Kalinga at kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad.

Nagpahayag rin ng pakikiramay ang 103rd Infantry Battalion sa mga naulilang pamilya ng mga biktima at tiniyak na magbibigay ng agarang tulong kabilang ang ayuda pinansyal, psychosocial intervention, at iba pang suporta mula sa pamahalaan.

Ayon pa sa kanilang pahayag, isang malungkot at hindi inaasahang pangyayari ang insidente na nakaapekto hindi lamang sa kanilang hanay kundi maging sa komunidad na kanilang pinaglilingkuran.

Binigyang-diin nila na walang kukunsintihin ang kanilang hanay sa ganitong uri ng krimen at tiniyak na sino mang mapapatunayang nagkasala ay mananagot sa batas.

Samantala, patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye at motibo sa likod ng insidente.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments