Umabot sa tinatayang ₱1.4 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Pangasinan Police Provincial Office (Pang PPO) sa loob lamang ng isang linggo sa ilalim ng sunod-sunod na anti-illegal drugs operations sa lalawigan.
Batay sa ulat ng kapulisan, dalawampu’t pitong indibidwal ang naaresto sa kabuuang dalawampu’t dalawang operasyon, kung saan nakumpiska ang mahigit dalawang daang gramo ng hinihinalang shabu.
Itinuturing ng mga awtoridad na malaking dagok sa ilegal na bentahan ng droga ang naturang accomplishment, na bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad sa lalawigan.
Bukod dito, tatlumpu’t siyam na wanted persons ang nadakip sa magkakahiwalay na operasyon, kabilang ang isang itinuturing na most wanted at tatlumpu’t walong iba pang pugante.
Sa kampanya naman kontra loose firearms, pitong operasyon ang naisagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na katao at pagkakasamsam ng apat na baril.
Ayon sa Pang PPO, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa buong Pangasinan.










