Isinusulong sa Kamara ang ₱1.5 trillion Bayanihan 3 Bill na layong suportahan ang itinutulak na “Bayan Bangon Muli” ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM).
Inihain ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte at ng iba pang Bikolanong kongresista ang House Bill 271 na makatutulong sa plano ni PBBM na paglikha ng maraming matatag na trabaho at pagpapabilis sa pagbangon ng bansa mula sa global crisis na idinulot ng COVID-19 pandemic at giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa ilalim ng Stimulus Bill na tatawaging “National Economic Stimulus and Recovery Act of 2022,” mayroon itong ₱1.5 trillion na recovery fund na gagamitin sa loob ng tatlong taon o tig ₱500 billion sa bawat taon.
Ang panukala ay hinugot mula sa isusulong ng liderato ng Kamara na ‘Bayan Bangon Muli’ o BBM Bill na itutulad sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na unang inaprubahan noong 2020 bilang pantugon sa pandemya.
Paliwanag ni Villafuerte, ang panukalang stimulus package ay magbibigay pagkakataon kay Pangulong Marcos na tapatan ang mga infrastructure development na ginawa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte pero ito ay sesentro naman sa pagtatayo at improvement ng mga pasilidad para sa ‘HEAL IT’ o ang Health, Education, Agriculture, Livelihood, Information Technology (IT) at Tourism.
Ang panukala para sa infrastructure spending ay nakatuon sa mas malawak na oportunidad na paglikha ng trabaho na ibubuhos partikular na sa mga lalawigan.
Ang malaking infrastructure project na ito ay kadugtong o kaugnay sa “Balik Probinsiya Program” na may layong paunlarin ang mga kanayunan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga imprastraktura sa mga lalawigan na tiyak na makakalikha ng maraming trabaho at makahihikayat pa sa mga nasa siyudad at mga nasa abroad na magbalik sa kanilang mga probinsya.