Naglaan na ng ₱1 billion pondo para sa kompensasyon ng mga biktima ng Marawi siege.
Makalipas ang limang taon ay ngayon pa lang mabibigyan ng kompensasyon ang mga naging biktima ng giyera sa Marawi.
Paliwanag ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa, Chairman ng Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victims Compensation, nitong Abril lamang kasi nagkaroon ng batas para dito.
Subalit kahit may batas na ay hindi naman maibigay ang kabayaran sa mga Marawi siege victim dahil hinihintay pa ang pagtatalaga ng Malacañang ng Marawi Compensation Board.
Sa kabilang banda ay may inilaan nang ₱1 billion na pondo para sa kompensasyon sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).
Ayon naman kay Task Force Bangon Marawi Assistant Secretary Felix Castro, may mga tulong na naunang naibigay sa mga residente sa Marawi kabilang ang medical, kabuhayan at peace interventions.