Ibinunyag ni presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson ang halagang ₱1 milyon na nakalaan para sa employees’ travel allowance (TEV) ay inilipat umano sa account ng isang administrative assistant, at pinagtakpan ito ng isang opisyal.
Dismayado si Lacson na mahigit isang taon na ang nakakalipas ay wala pa ring aksyon dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 11.
Ang impormasyon ni Lacson ay base sa isang letter complaint ni Audrie Perez na dating pangulo ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP).
Ayon kay Lacson, ang insidenteng ito ay nangyari bandang Oktubre 2020.
Binanggit ni Lacson na ayon sa reklamo, isang DSWD staff na Pantawid Field Implementer ang pumunta sa San Pedro branch ng Land Bank of the Philippines para humingi ng tulong matapos hindi maideposito sa kanyang account ang kanyang travel allowance.
Napag-alaman nila na maging ang TEV ng ibang regional staff ay dineposito sa account ng isang Ireneo Suerto na isang administrative assistant na in charge sa paghahanda ng payroll.
Kinukwestyon ni Lacson na sa kabila ng naturang insidente, ay hindi nila sinesante o sinampahan man lang ng kaso si Suerto, maging ang hindi pag-renew ng kontrata nito noong December 2020.
Ang masama pa ayon kay Lacson, ipinag-utos umano ni Pantawid Program Division Chief Margie Cabido na ilihim ang nangyari.
Diin ni Lacson, naiparating na ito kay DSWD Secretary Rolando Bautista pero hanggang ngayon ay wala pa ring imbestigasyon na isinasagawa.