Nasa ₱80 hanggang ₱100 na ang ibinaba sa aktwal na halaga ng arawang sahod sa Metro Manila, batay sa pag-aaral ng Partido Manggagawa.
Ang nasabing halaga ay mas mataas sa naging pagtaya ng grupong IBON Foundation kung saan lumalabas na ₱500 na lamang ang halaga ng ₱570 na daily minimum wage sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chaiperson Sonny Matula, malaki ang kinain ng 6.9% na inflation rate nitong Setyembre sa purchasing power ng mga manggagawa.
“Hindi ito maganda sa ekonomiya sapagka’t kung walang pambili, walang perang gagastusin ang mga manggagawa, hindi rin iikot yung ating ekonomiya,” punto ni Matula sa interview ng RMN Manila.
Kaugnay nito, humirit ang grupo ng ₱100 dagdag-sahod na posible naman aniyang maibigay sa pamamagitan ng stimulus funds.
Sa ilalim nito, pinaglalaan ang gobyerno ng 100-bilyong pisong pondo na pwedeng ipautang nang walang interes o gamiting subsidiya partikular sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na magagamit nilang pampasweldo sa kanilang mga manggagawa at upang maisalba ang kanilang negosyo.
Isa pa sa mga panawagan ng grupo ang pagbuwag sa mga Regional Tripartite and Wages Productivity Board (RTWPB) at pagtatakda ng national minimum wage.
“Buwagin na yung mga Regional Tripartite and Wages Productivity Board at magkaroon na lamang ng isang pambansang tripartite wage board na siyang gagawa ng mga polisiya. O kung hindi man yang National Tripartite Wage Board na ‘yan, yung ating Kongreso, yung ating Senado at House of Representatives ay pwedeng gawin yan,” dagdag niya.