₱10,000 na ayuda sa mga mag-aaral, isinusulong sa Kamara

Isinusulong sa Kamara na pagkalooban ng ayuda ang mga estudyante tuwing may national emergency o crisis tulad na lamang ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng “Student Aid Bill” na inihain ng Makabayan sa Kamara, bibigyan ng ₱10,000 na financial assistance ang mga mag-aaral upang matulungan sila sa mga gastusin sa kanilang pag-aaral.

Ang nasabing financial aid ay isahang beses na ibibigay sa mga mag-aaral.


Tinukoy sa panukalang batas na mula ng magkapandemya noong 2020 ay tumaas ang dropout rate sa mga kabataan bunsod ng implementasyon ng distance learning.

Marami sa mga mag-aaral ay napilitang itigil ang kanilang pag-aaral dahil sa nawalan ng trabaho ang mga magulang at hindi makasabay sa hinihingi ng online learning.

Sa pagbibigay ng ayuda sa mga mag-aaral ay inaasahang makakatulong ito para sa kanilang mga bayarin tulad ng matrikula, iba pang school fees, gadgets, internet connectivity at para na rin sa pagbabalik sa face-to-face classes.

Facebook Comments