Matatanggap na ng nasa 4.2 milyong mahihirap na Pilipino ang financial assistance ng pamahalaan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na hawak na nila ang kalahati o katumbas ng ₱100 bilyong na parte ng ₱200 bilyon na pondo para sa Social Amelioration fund.
Ayon kay Bautista, uunahin muna nilang mabigyan ng lima hanggang walong libong piso ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang mga ito kasi ay may rekord na sa DSWD at maaari nilang makuha ang tulong pinansyal sa kanilang mga cash cards sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng alinmang bukas na Land Bank office.
Habang ang iba pang benepisyaryo ng Social Amelioration Program tulad ng mga informal economy workers, below minimum rate, mga empleyadong no-work no-pay, distressed Overseas Filipino Workers (OFWs), entrepreneur na may asset na mababa sa ₱100,000, family enterprise owner at iba pa ay pinoproseso na ng kanilang mga regional directors katuwang ang mga Local Government Units (LGUs) upang makuha na nila ang kanilang Social Amelioration Cards.