Kailangan ng pamahalaan ng ₱110 bilyon para pambili ng bakuna laban sa COVID-19 ngayong taon at sa 2022.
Sinabi ito nina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Testing Czar Vince Dizon at Contact Tracing Czar Benjamin Magalong Jr., sa kanilang pakikipagpulong kina Senate President Tito Sotto III at Senator Panfilo “Ping” Lacson.
₱20 bilyon sa nabanggit na halaga ay ipapaloob sa panukalang Bayanihan 3 para ipambili ng bakuna ngayong taon habang ₱90 bilyon naman na pambili ng bakuna para sa taong 2022 ay isasama sa regular na budget ng Department of Health (DOH).
Kaugnay nito ay pinayuhan ni Lacson ang tatlong pandemic czar na alamin sa Department of Budget and Management (DBM) kung may pondo pa sa mga ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng Ehekutibo na maaaring ipalaan pambili ng bakuna ngayong taon.
Bukod dito ay tinalakay rin sa kanilang pulong ang kailangang batas para maalis sa lalong madaling panahon ang red tape sa Food and Drug Administration (FDA) na nakakasagabal sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya.
Ayon kay Lacson, napag-usapan din nila na ipaloob sa Bayanihan 3 ang suspensyon ng ilang probisyon ng Data Privacy Act at ilang batas na may kaugnayan sa regulatory functions ng FDA bilang tugon sa mga problema sa contact tracing.
Sabi ni Lacson, nabanggit din sa kabilang pulong ang commitment ng business sector na maglaan ng lugar sa mga mall at hotel ballrooom para sa kailangang 5,000 vaccination centers.
1,200 nito ay sa National Capital Region (NCR) na inaasahang makakapagbakuna ng 58 milyong mga Pilipino hanggang sa matapos ang taon basta’t mai-deliver na sa bansa ang kailangang doses ng COVID-19 vaccine.