₱12.7-B financial assistance para sa mga rice farmer, inaprubahan ni PBBM

Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagrelease ng ₱12.7 bilyong financial assistance sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program.

Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, inaprubahan ng pangulo ang pondo dahil magiging malaking tulong ito sa mga small rice farmers para mapanatili ang kanilang magandang produksyon sa harap nang mga kinakaharap na problema sa sektor ng agrikultura.

Batay sa RFFA, natukoy ng gobyerno ang 2.3 milyong small rice farmers na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA hanggang nitong June 30, 2023.


Bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng tig-₱5,000 financial assistance.

Ayon pa kay Secretary Garafil, ang pondo para sa financial assistance na ito ay kinuha sa tariff collection mula sa rice importations noong 2022 na umabot sa halagang ₱12.7 bilyon.

Samantala, inaprubahan din ng pangulo ang paggamit ng ₱700 milyong na sobra sa tariff collections para sa “Palayamanan Plus” conditional cash transfer sa ilalim ng Household Crop Diversification Program.

Layunin nitong ma-enjoy ng mga magsasaka na kabilang rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ma-enjoy ang food, nutrition, at income security.

Facebook Comments