Itinutulak ngayon ng Economic Managers sa Kongreso na maipasa ang panukalang magbibigay ng 130 billion pesos na supplemental fund sa Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, gagamitin ang dagdag na pondo bilang subsidies at assistances sa mga sektor na apektado ng COVID-19.
Tatawagin itong “Bayanihan II,” na layong magbigay ng spending at capital support, at maibalik ang kita at trabaho ng mga konsyumer.
Palalakasin din nito ang private consumption sa pamamagitan ng pagpapalakas ng health system capacity at infrastructure, muling pagbuhay sa food value chain, at pagsisimula ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura.
Nakapaloob sa Bayanihan II ang sumunod na alokasyon: ₱30 billion na emergency subsidies para sa siyam na milyong pamilya sa informal sector; ₱21 billion na halaga ng wage subsidy para sa 26 na milyong manggagawa; at ₱10 billion para sa health and testing.
Kasama rin dito ang ₱35 billion na dagdag kapital para sa Land Bank of the Philippines, at ₱15 billion para sa Development Bank of the Philippines.
Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan to Heal as One Act nitong Marso.
Sa ngayon, aabot na sa ₱1.4 trillion ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa COVID-19 response.