Isinulong ng mga kongresista ang malalimang imbestigasyon sa ₱15.5 bilyong advance payment na ibinigay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital sa ilalim ng kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) program.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, ay inilutang ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na mayroong mga alegasyon na nauwi lamang umano sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ang pondong inilabas ng PhilHealth.
Kinuwestyon naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang legalidad ng paggamit ng pondo ng PhilHealth para maging kapital ng mga pribadong ospital at ospital ng gobyerno.
Bunsod nito ay iginiit ni Appropriations Committee Vice Chairperson at Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo na mabusisi kung papaano pinili ang mga ospital na binigyan ng pondo mula sa IRM program.
Tinukoy rin ni Quimbo ang initial findings na ang pagpili ng pasilidad na nakatanggap ng IRM ay tila walang kaugnayan sa COVID patterns.