Makakatanggap ng P15,000 ayuda mula sa gobyerno ang mga pamilyang totally damaged ang mga bahay dahil sa Habagat at Bagyong Carina.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) USec. Randy Escolango ito’y sa pamamagitan ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSA) sa ilalim ng kagawaran.
Plano rin ng ahensya na isama maging ang partially damaged na kabahayan kaya inaayos nila ngayon ang guidelines.
Para makapag-avail ng programa, kailangan lamang anyang magpalista sa Local Government Units (LGUs).
Ang lokal na pamahalaan ang magsusumite ng listahan na iba-validate naman ng regional offices at saka iaakyat sa central office ng DHSUD.
Ayon kay Escolango, aabutin lang ng isa hanggang dalawang araw ang pagpopondo na agad ring ibababa sa regional offices para makuha ng mga benepisyaryo.
Sa tala ng DHSUD, nasa 1,049 ang partially damaged na mga bahay at 130 ang totally damaged pero inaasahang tataaas pa ang bilang na ito kapag isinama ang National Capital Region (NCR).