₱15,000 production subsidy, inihirit ng mga magsasaka sa Marcos admin

Nakukulangan ang grupo ng mga magsasaka sa inilatag na plano ni Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa pagpapataas ng lokal na produksyon ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairman Emeritus Rafael Mariano, bagama’t natutuwa sila sa plano ng pangulo para sa sektor ng agrikultura ay hindi naman klaro kung paano niya ito gagawin.

Tinukoy niya rito ang pagsusulong ni Marcos sa ‘Masagana 150’ at ‘Masagana 200’ na layong pataasin ang kasalukuyang produksyon ng palay at mais na ayon kay mariano ay mahirap abutin dahil sa mataas na production cost.


Wala rin naman kasi aniyang binanggit ang pangulo kung paano nito sosolusyunan ang mataas na presyo ng langis at abono.

“Ilagay natin, sarili niyang lupa yung sinasaka. Dapat ay mababa ang gastos niya sa produksyon ng palay o mais, mataas ang ani niya kada ektarya at mabibili sa mahusay at makatarungang presyo ang produkto niya. So, yun lahat, kapag pinagsama-sama mo, yun ang pwedeng sabihin natin na, tumaas yung netong kita ng mga magsasaka,” saad ni Mariano sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.

Kaugnay nito, humirit ang grupo ng ₱15,000 na production subsidy mula sa gobyerno upang mapababa ang gastos ng mga magsasaka at mangingisda nang sa gayon ay mapataas din ang kanilang produksyon at kita.

“Kasi kung ₱30,000 halimbawa ang cost of production sa isang ektaryang taniman ng palay, e di 50% yung subsidiya ng gobyerno, mapapababa yung cost of production. Pwedeng mga, siguro ₱6, ₱8 ang cost of production sa kada kilo ng palay, kung aani ng 120 o magiging sa ₱20 kada kilo ng palay, ₱120,000 yun, di ba. Ibawas mo yung ₱15,000 na maiiwang cost, o, may netong kita na ₱105,000 ang mga magsasaka, mas mataas yun dun sa sinasabing ₱50,000 to ₱70,000 netong kita kung maiaakyat sa 150 kaban o 200 kaban per hectare ang magiging aning palay ng mga magsasaka,” punto pa ni Mariano.

Facebook Comments