₱15B sa pondo ng PhilHealth, napunta umano sa korapsyon

Nabunyag sa pagdinig ngayon ng Senado na umaabot na sa 15 billion pesos na pondo ng PhilHealth ang napunta umano sa mala-pandemyang korapsyon na maituturing na krimen ng taon.

Isiniwalat ito sa pagdinig ni resigned PhilHealth anti-fraud legal officer Atty. Thorrsson Keith na nagsabing mayroong sindikato sa loob ng ahensya na siya rin umanong nasa likod ng pagtataas sa premium ng mga Overseas Filiipino Workers (OFWs) para may maitapal sa naibubulsang salapi.

Binanggit din ni Keith ang paulit-ulit na pagbili ng overpriced IT System at inutusan din daw siya ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na hilutin sa Presidential Anti-Graft Commission ang kaso ng overpriced na testing kits.


Inilatag naman ni Senator Panfilo Lacson ang mga nakuhang dokumento na nagpapakitang nag-release ang PhilHealth ng mahigit ₱226 million na COVID fund sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM sa ilang dialysis center na hindi naman nito saklaw.

May iprinisinta rin si Lacson na mga dokumento kaugnay sa pagbili ng PhilHealth ng overpriced na mga kagamitan para sa IT System tulad ng 24 na network switches na ginastusan ng ₱74.3 million pero hindi pa nabubuksan o nagagamit ay bibili pa uli ng 15 units.

Dismayado si Lacson dahil lumalabas na overpriced ng mahigit ₱3.8 million kada unit, na ginastusan ng mahigit P4.8 million per unit gayung nasa ₱939,000 lang ang market price nito.

Sa kaniyang opening statement ay inamin ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na talagang may anomalya sa PhilHealth bago pa siya maupo at hanggang ngayon.

Ayon kay Morales, base sa kanilang pag-aaral ay 7.5% ng buong PhilHealth spending ay napupunta sa anomalya, katumbas ito ng ₱10.2 billion noong nakaraang taon.

Kapag hindi ito nasolusyunan, sinabi ni Morales na nasa ₱18 billion ang maaaring masayang sa planong P240 billion na pondo ng PhilHealth sa susunod na taon.

Facebook Comments