₱186M HALAGA NG MARIJUANA, SINIRA SA ANIM NA ARAW NA OPERASYON SA BOUNDARY NG ILOCOS-CORDILLERRA

Higit ₱186.4 milyong halaga ng mga tanim na marijuana ang winasak ng PDEA Regional Office I at mga katuwang na ahensya sa loob ng anim na araw na sunod-sunod na operasyon mula January 16 hanggang 21, 2026.

Natunton ng mga operatiba ang mga taniman sa liblib at bulubunduking lugar sa hangganan ng Ilocos Sur at Benguet, partikular sa Brgy. Licungan, Sugpon, Ilocos Sur at Brgy. Tacadang, Kibungan, Benguet, kabilang ang Mt. Boa at Mt. Leteban.

Ayon kay PDEA RO I Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi, umabot sa 144 marijuana plantation sites na may pinagsamang lawak na 106,500 metro kwadrado.

Kabilang sa mga winasak ang 628,295 fully grown marijuana plants, 211,795 seedlings, at 135 kilo ng fruiting tops.

Binigyang-diin ng PDEA na bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan upang pigilan ang ilegal na pagtatanim at pagkalat ng droga, lalo na sa mga liblib at boundary areas na sinasamantala ng mga sindikato. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments