₱18K HALAGA NG GROCERY ITEMS, TINANGKANG TANGAYIN SA ISANG SUPERMARKET SA MAPANDAN

Tinangkang tangayin ang tinatayang ₱18,000 halaga ng grocery items sa isang supermarket sa Barangay Poblacion, Mapandan, Pangasinan, kung saan naaresto ang isa sa mga suspek noong gabi Lunes, Pebrero 23.

Ayon sa Mapandan Police Station, nagkunwari umanong mga lehitimong kustomer ang grupo upang maisagawa ang kanilang modus.

Gayunman, napansin ng isang kustomer ang kahina-hinalang kilos ng isa sa mga suspek at agad itong isinumbong sa isa sa mga empleyado, dahilan upang mabisto ang tangkang pagnanakaw.

Narekober mula sa suspek, isang 37 anyos na babaeng tindera ng gulay at residente ng Manaoag, ang mga grocery items na nakasilid sa mga sako.

Sa inisyal na pahayag, sinabi umano nito na apat silang magkakasama sa isinagawang pagnanakaw.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makalap ang karagdagang ebidensya at matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlo pang kasabwat na nakatakas.

Samantala, nagpaalala ang kapulisan sa mga may-ari ng establisyemento na paigtingin ang kanilang security measures upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Facebook Comments