₱1B Quick Response Fund ng DA, pinapagamit ng isang senador sa mga hakbang kontra ASF

Iginiit ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na gamitin ng Department of Agriculture o DA ang 1-bilyong piso na Quick Response Funds o QRF nito na nasa ilalim ng Calamity Fund ngayong taon para tugunan ang patuloy na pagkalat ng African Swine Fever o ASF.

Diin ni Angara, maituturing nang kalamidad ang ASF dahil katulad ng bagyo at iba pang kalamidad ay matindi na rin ang epekto nito sa kabuhayan at food security.

Sabi ni Angara, nitong September 10 lamang inilabas ng Department of Budget and Management ang P82.5 million sa DA para sa mga hakbang laban sa ASF.


35 percent aniya ng nabanggit na pondo o katumbas na P32 million ay ilalaan sa pagpapaigting ng security screening sa mga paliparan habang ang P28 million naman ay sa laboratory testing sa mga karne ng baboy.

Punto ni Angara, kulang pa rin ang pondo lalo pa at maging ang mga Local Government Units ay pinapakilos na rin laban sa ASF.

Mungkahi ni Angara, isasama na sa 2020 budget ang budget para ipantulong sa mga maaapektuhan ng ASF.

Facebook Comments